Ngayon na ako'y nasa isang bansang di naniniwala kay Hesukristo bilang isang Diyos, ang pagpasok ng isang napakahalagang araw sa buhay ng isang Kristiyano ay parang isang ordinaryong araw lang. Walang Christmas tree, walang Christmas lights, walang kumakanta ng Christmas songs, walang nagbabalot ng mga regalo, hindi puno ang grocery stores o malls na namimili ng sangkatutak na grocery items at mga bagong damit at sapatos at wala ding mga carollers. Dahil walang selebrayon, ako'y nagmuni muni na lang at inalala ang mga pasko ko sa 'Pinas.
Sa 'Pinas, pagkatapos na pagkatapos ng Araw ng mga Patay, nagsisilabasan na ang mga nakatago sa mga kahon na Christmas tree. Pinapagpagan na yan at hinahanda ng itayo sa isang sulok ng bahay na makikita ng mga darating na bisita.Yun bang tipong me motiff pa. Yung una naming Christmas tree noong bata pa mga anak ko, sinabitan namin ng mga mini-chocolates na multi-colored ang green na 6 inches na Christmas tree namin. Yun bang bago dumating ang Christmas eh unti unti na ding nauubos ang mga nakasabit kasi kinain na ng mga bata at nagdadala pa ng kaibigan para pumitas sa Christmas namin. Sabi ko, di magandang idea 'to. Kaya nung lumaki na sila, iba ibang kulay na bola na lang ang sinabit ko, at least yun, di pwede kainin, pero pwede ire-cycle.
Maarte ang mga pinoy pagdating sa mga ganitong okasyon. Di pwedeng christmas balls lang ang nakasabit sa Christmas tree, dapat me bonggang Christmas lights din. At di lang plain Christmas lights, me kasama pang tugtog yun.Last year, nung namili ako ng pang-decorate sa Christmas tree, mas mahal pa yung pangsabit kesa sa Christmas tree. Naisip ko na lang, pwedeng gamitin ulit next year. Worth the investment. Yun na nga, yun daw ulit sinabit sa Christmas tree namin ngayon sabi ng mga anak ko.
Kung gaano kaaga ang pagsaayos ng Christmas tree, ganun din kaaga ang mga pesteng carollers. December 1 pa lang, umaga, me nangangaroling na. Mantakin mo ba namang minsan eh tulog pa ako galing night duty, kinakalampag na ang pintuan ng bahay namin at mangangaroling daw. Para lang umalis na, naglabas na lang ako ng limang piso. Kuripot ba? Buti nga limang piso pa, eh. yung iba ngang naglalakihang bahay, aso ang lalabas, hindi tao para palayasin ang mga wala sa tonong carollers.
Kadalasan, kaming mga matatanda na, oooops, hindi pala matatanda, mga wa-is na magulang mas maganda pakinggan, naglalaan na kami nga mga barya barya para sa mga carollers kasi wa-is na din ang mga carollers. Lalo na ang mga bata. Pag nagbigay ka ng pamasko halimbawa sa Lunes, aba sa Martes babalik yan. Iba na ang damit, iba na rin ang grupo nila. Pero yun pa rin naman ang kinakanta. Kadalasan, kapag pangit ang tono ng boses, piso lang. Pag medyo ok, dalawang piso, pag medyo okay okay limang piso. Pero me mga galante din, me bente pero one time lang yun. Ang nakakatakot kapag grupo ng matatanda ang nangarolling sa bahay mo. Mapipilitan ka mamigay ng isang daan o di kaya limang daan dahil sa hiya, lalo pag me kakilala ka sa mga carollers. Baka nga naman sabihing kuripot ka at ipamalita pa sa iba. Di ba nakakahiya? Lalo pag nagtatarabaho ka sa custom, sa DPWH, sa DepEd, at kung ano ano pang sangay ng makurakot na gobyerno. Patawarin ako ng mga nabanggit kong ahensiya pero pati TV Patrol binabanggit din ang pagkakurakot ng mga ahensiyang yan. Anyway, balik tayo sa carollers. Ako kasi di mahilig mangarolling. Di ako nagi-enjoy. Ayoko ng nababagsakan ng pinto, kinakahulan ng aso, at lalong naiinis lang ako kung tatlong bente singko lang ang ibibigay pagkatapos ko kumanta ng 'Oh Holy Night' na me kodigo. Mga bata naman pag barya binigay kakantahan ka ng "thank you, thank you ang babarat ninyo". Maswerte din pag me mga mababait na mag-alok pa na kumain muna. Pero sayang ang oras, kailangan malibot muna ang buong barangay para makarami. Yun bang, kinarir na ang pangangarolling at bawat bahay yata eh kinakantahan. Pagdating ng bahay, sangkatutak na salabat ang iniinum para me boses pa kinabukasan.
Sa 'Pinas, masaya ang pasko kapag me lechon na pinasakan pa ng mapulang mansanas sa bunganga para mas katakamtakam. Kaso sa hirap ng buhay, mga balikbayan na lang yata ngayon ang naglelechon. Tsaka yung mga nanalo sa lotto. Kaya nadiskubre ang by the kilo na lechon. Aba, eh kahit naman by the kilo, mahal pa rin. 350 pesos yata ang isang kilong lechon tapos lalantakan lang ng ilang minuto. Ang 350 pwede na pangkain ng isang pamilya sa isang araw, ah! Yung iba, walang paki, akala mo walang ng bukas pag makalamon ng lechon. Diyan kaya namatay si Chiquito. Naatake. Nilamutak daw kasi ang buong lechon de leche. Buti pala, mahirap lang kami. Di namin ma-afford ang lechon.
Me queso de bola din. Paborito ko yung kraft. Wala ng tatalo sa sarap pero kung nagtitipid, pwede na din ibang brand, mga nakamura ka ng singkuwenta pesos. Pero kung walang wala talaga bakit di na lang pagtiisan si eden cheese, mapapa-hmmmm ka pa sa sarap. Nung nasa Valenzuela pa ako, ang queso de bola, walang kumakain kaya kinabukasan, hinahalo na lang sa itlog, pang-omelet.
Siempre, ang pansit, huwag kalimutan. Sang bahay ka man pumunta kapag pasko, ang mesa, me pansit. Me pansit na kayumanggi na para isang litrong silver swan soy sauce yata ang pinangtimpla at maalat alat pa talaga. Me pansit na tamang tama, pero binudburan naman ng sangkatutak na gulay, karne, pusit, atay at di pa talaga nakuntento ang kusinero, nagdagdag pa ng squid balls. Para tuloy nagmukhang sahog yung pansit. Meron namang pansit na nagmamakaawa. Magic sarap lang ang hinalo, swak na. Eto ang matindi, ang anemic na pansit. Aba, ni wala man lang kulay ang tinaguriang hari ng mga handa. Parang palabok na bold. Buti na lang, lahat ng anemic na pansit na natikman ko, masarap.
Barbecue- ang pinoy kasi, me Christmas bonus yan pag December. Nakalaan na ang pera sa bonggang noche buena at buena de noche. Ewan ko ba sa pinoy, sa pandinig ko at sa pag-analyze ko sa dalawang espanol sa kataga eh, pareho lang naman. Pinagbaliktad lang at yung isa para sa pasko, yung isa para sa bagong taon. Matanong nga yung isang kakilala ko dito na espanol kung ano talaga pagkaiba nito nang maliwanagan tayo. Siempre pag sinabing bbq, me chicken bbq, pork bbq, pero nagtataka talaga ako kasi pag isda ang minarinade sa parehong sangkap, ang tawag sinugba? Pang mayaman siguro talaga ang manok at baboy. Eh ang beef? Wala pa yata akong nakitang beef barbecue, meron na ba? Hotdog na binarbecue, meron din ba? Meron noh? Pero ang tawag ba ay hotdog barbecue? Weird!
Salad. Eto na. Siempre me salad na handa at karamihan sa napuntahan kong bahay, macaroni salad na bonggang bongga ang handa. Yun bang tipong December 23 pa lang eh handa na at nakafreezer na at nakalagay pa sa tupperware. Sa sobrang dami, gagawin pang pangmeryenda, pang-dessert na rin araw araw at para maubos na, pinamimigay na lang sa kapitbahay. Mamukatmukat mo, sa new year ulit, ganun na naman. Hay, ang pinoy nga naman. Pero nauso din yung agar-agar di ba? Pagkakaiba lang yung gatas na ginamit. Siempre pag alpine, the best, pag carnation ok na din, pero pag angel evaporada, parang lasang gatas ng aso hehehe....pasensiya na sa gumagamit ng angel ha? Di ko lang talaga bet. Yung mga sosyal, siempre chicken salad, potato salad, buco salad, green salad at kung ano ano pang salad. Meron pa yung jumping salad na kagagaling pa yata sa dagat. Maalala ko yung isa kung katrabaho dati, nag-LBM sa dami ng nilantakan niyang jumping salad. Ngayon lang daw kasi nakatikim nun. Gluttony na bang matatawag yun?
Kakanin- siempre, di ka pinoy pag walang kakanin. At ang kakanin, iba iba ring variety niyan. Unahin natin ang suman. Ang nanay ko parang walang pasko pag walang suman, eh araw araw namang me nagtitinda ng suman sa bahay namin. Isawsaw lang sa asukal, swak na ang breakfast. Eh siya, pinapalaman ba naman sa pandesal. Diabetic na nga, doble doble pang carbohydrates ang nilalantakan. Ang rason eh, me insulin naman daw. Oo nga naman. Mahal nga lang ang insulin. Mahigit isang libo, lang kwentang senior citizen's discount minsan ayaw pa magbigay ng 20%. Pag di bumili sa Mercury Drug, at wala ka nung senior citizen's booklet at prescription, di ka din makakakuha ng 20%discount. Ang gulo! Buti me 20 years pa bago ako maging senior citizen.
Puto bumbong at bibingka. Nung nasa Manila pa kami, me masarasp na bilihan ng puto bumbong at bibingka malapit sa bahay namin sa BBB, Valenzuela. Nungka, mga 1998 yata nung una kung matikman ang puto bumbong na yan. Violet ang kulay na niluto sa kahoy. Nilagyan ng kinayod na buko at butter. Sarap! Yung bibingka naman kahit di pasko pwede makabili. Minsan, nakakita ako sa Las Palmas Hotel at parang masarap, at ang amoy, talaga namang maglalaway ka, Napabili ako. Mantakin mo ba namang 60 pesos ang isa. 1998 yun! 12 years ago. Malamang ngayon, 120 pesos na ang isa. Yung ordinaryong bibingka, bente lang yata. Hay, ang sarap ng pagkaing pinoy. Mas pinasarap pa kung me mainit na tsokolate. Perfect combination!
Spaghetti- ang pinoy, di malaman kung spaghetti o pansit ang ihahanda. Para safe, sige na nga, spag at pansit na lang. Unknowingly, pareho lang carbo ang dalawang eto. Ang rason ng mga nanay, pambata daw ang spag, pang matanda naman daw ang pansit. Siya, sige na nga, ganun na nga. Pero nakakatuwa, kasi ang spag, ang dami ring variety. Me spag na ang halo ay corned beef. Masarap daw pero never ko na-appreciate. Me spag naman tuna ang halo, depende din yan sa tuna. Me tuna kasi na nagtunatunahan lang. Basta century tuna flakes in oil o di kaya in water, the best na para sa akin. Depende sa pagkaluto. Me spag namang puro hotdog, eh ang hotdog sa pinas, napakaraming variety. Kanya kanyang preference yan pero sakin, the best pa rin ang purefoods. Minsan di kami magkaintindihan ng mga anak ko kasi tender juicy ang tawag nila sa purefoods. Minsan nga, nag-attend kami ng party, sinabihan ba naman ng bunso ko yung nag-serve, purefoods ba yan? Hindi daw, CDO yata tapos sabay sabing "AY!".
Softdrinks - sa tingin ko, ang pilipinas yata ang isa sa pinakamahilig uminom ng coca cola at pepsi cola. Minsan, makita mo, ang laman ng mga sasakyan, litro litrong soda. Minsan ang mga sosyal, siempre, in can. Dito ang 1 can 1.50 rials lang, Sa pinas, 18 pesos. Kung ang rial ay 12 pesos, pareho lang. Saming magkakaibigan, mapa-bethany, UB at dito sa Saudi, ako lang talaga ang mahilig sa softdrinks. Pero dito sa Saudi, mga kaibigan ko na ang mga bewang ay 24 inches lang yata at di sila umiinom ng soda, pati ako nadadiet na rin. Yun bang once a week na lang instead na once a day ang inum ko ngayon ng pepsi o di kaya coke. In can siempre, kasi wala namang mabibili dito na nilalagay sa supot.
Yun na nga, ang pinoy, softdrinks lover talaga kaya kadalasan sa mga store pag ganitong magpapasko na, sangkatutak na softdrinks na ang nalagay sa ref nila para ibenta. At nakakagulat talaga, nauubusan pa yan. Ganun katindi ang mga noypi pagdating sa paglaklak ng softdrinks. Di rin siempre lahat pabor sa softdrinks, Yung iba, naglalaan ng panahon para magtimpla ng juice. Orange juice, mango juice, pineapple juice, grape juice, buco juice......juice ko, at minsan jan ka madadale ng LBM kasi ang ginamit sa pantimpla, mineral water nga, dinagdagan naman ng ice na hindi mineral water, eh di ganun din. Minsan dahil mahal ang asukal, wala naman na ding lasa ang tinaguriang panulak.
Ano pa ba ang nakalimutan ko? Ay oo, ang loafbread. Oo nga no? Me tinapay pang handa. At sa lahat ng hindi nakakain at nagmukmok lang sa tabi, eh di si loafbread. Pano wala namang palaman. Basta na lang nilapag sa la mesa. Ako, bumibili lang ng loafbread pag alam kong mabibitin ang handa ko, Gardenia siempre para masarap kahit walang palaman hehe. Yun ang sabi ng patalastas. Ui, ang nanay ko, pwede ba namang magmukmok ang loafbread? Eh pag me star margarine, siya na ngayon ang bida. Budburan mo pa ang asukal. Parang sandwich na rin. Di bale, pampatangkad naman daw ang star margarine. Yung iba me cake pa. Nung nagbukas ang Red Ribbon samin, aba, alas singko pa lang ng hapon, ubos na ang lahat ng cakes nila. Masarap nga naman. Medyo mas mahal lang ng konti sa Goldilocks. Sa dami ng variety ng cake, anything chocolate pa rin ang paborito ko.
Alam ko madami pa ako nakalimutan pero eto ang mga pinalamaalala ko kapag pasko sa 'Pinas. Siempre, mga kapamilya, kapuso, kapitbahay, kaibigan, katuto, kachika....alam nating lahat, the best magcelebrate ang Pinoy ng Christmas. Wala man kami sa 'Pinas, ang puso at isipan namin, nasa 'Pinas pa din. Nakakamiss, 'ika nga! Alam nyo bang kaming OFW, makita lang namin na okay kayo jan sa ating bansang pinamumugaran ng mga kapitalista at mga pulitikong minsan eh walang kakwenta kwenta (hindi naman lahat), masaya na din kami. Basta para sa pamilya, kaya namin magsakripisyo. Marinig lang namin na okay kayo, okay na rin kami. At gusto naming iparating sa lahat, ang aming mga pinagpaguran at pagtitiis ay para sa inyo. Dahil mahal na mahal namin kayo. Mabuhay ang pamilyang Pilipino. Maligayang Pasko po!
Via Facebook
ReplyDeleteIn this season of merry making & endless parties, always remember..“thou shalt not weigh more than thy refrigerator.” Merry Christmas & Happy New Year!! ;-)"